Chapter 7
Chapter 7
“DEAN, tell me honestly. What is this all about-“
“Surprise!”
Napamaang si Selena nang sa halip na ang pamilyar na boses ni Dean ang sumagot sa tanong niya ay
ibang boses ang narinig niya. Naglaho din ang pamilyar na mga kamay na kani-kanina lang ay ConTEent bel0ngs to Nôv(e)lD/rama(.)Org .
marahang umaalalay sa likuran niya. Ibang mga kamay ang pumalit. Walang dudang pamilyar rin siya
sa mga kamay na iyon pero bakit… iyong naunang mga kamay ang mas hinahanap-hanap niya? Ang
init at kapayapaang hatid niyon ang para bang mas gusto niyang maramdaman ngayon.
Inalis na ang panyo na tumatakip sa mga mata ni Selena. Dahan-dahan siyang nagmulat. Gaya ng
inaasahan niya ay si Adam ang siyang nakita niya sa kanyang tabi. Agad na hinanap niya si Dean.
Naabutan niya ang binata na naglalakad na palabas ng restaurant.
Dean… Para namang nakaramdam na lumingon sa kinaroroonan ni Selena si Dean. Gumuhit ang
matipid na ngiti sa mga labi nito na ni hindi tumagos sa mga mata nito. Bahagya pa itong tumango sa
kanya bago ito nagpatuloy na sa paglabas ng restaurant.
Hahabulin na sana ni Selena si Dean nang may kaagad na pumigil sa kanyang braso. Natitigilang
napaharap siyang muli kay Adam. Ang isip niya ay nanatili sa nakitang malungkot na mga mata ni
Dean. How can Adam be so insensitive? Hindi niya sigurado kung totoo nga ang obserbasyon ni
Chynna patungkol sa nararamdaman para sa kanya ni Dean. Hindi niya alam kung totoong pag-ibig
nga iyon. Pero alam niyang may punto ang ilan sa mga sinabi ng kaibigan. She realized only that very
moment that there was really something with the way Dean looks at her.
Ngayon na lang muling nakita ni Selena si Dean. Sinundo siya nito sa townhouse niya ng alas syete ng
gabi. Mayroon daw silang mahalagang kailangang puntahan. Bukod pa roon ay wala nang iba pang
sinabi ang binata. Sa buong durasyon ng byahe ay damang-dama niya ang tensyon sa pagitan nila.
Pero sa kabila niyon ay masaya siya… masaya siyang nakita itong muli. At excited siya sa kaisipang
magkakasama sila.
Pero agad ding naglaho ang excitement na nararamdaman ni Selena ngayon.
Strange. Kay tagal niyang hinintay ang ganoong pagkakataon para sa kanila ni Adam. Ngayong naririto
na ang mismong fiancé niya sa kanyang tabi ay hindi niya naman makapa sa puso niya ang sayang
inaasahan niyang maramdaman.
“What’s this?” Pormal na wika ni Selena kay Adam. Pasimpleng binawi niya mula rito ang kanyang
braso. Inilibot niya ang mga mata sa buong restaurant. Bukod sa tatlong waiter sa isang gilid at sa
orchestra ay sila na lang dalawa ni Adam ang mga tao roon.
Inayos sa paraang gusto ni Selena ang buong lugar. Pinaghalong krema at pula ang kabuuan niyon,
iyon ang mismong mga paboritong kulay niya. Walang makikitang mga bulaklak sa paligid dahil allergic
siya roon. Mabuti naman at kahit paano ay mukhang natatandaan na iyon ni Adam ngayon. Dahil sa
ilang mga pinuntahan nila noon ay parati pa itong nagdadala ng mga bulaklak para sa kanya.
Halos mapuno ng makukulay na mga lobo ang kisame habang napakarami namang nagkalat na stuff
toys sa paligid… mula sa pinakamaliliit hanggang sa pinakamalalaki. Kahit paano ay napangiti si
Selena. Mahilig siya sa stuff toys. Sa pinaka-sentro ng restaurant ay naroon ang mesa para sa dalawa.
Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na nag-effort si Adam para sa date nila. And she knew she
ought to celebrate. Pero bakit wala siyang mahanap kahit na katiting mang pagdiriwang sa puso niya?
“’Di ba sinabi ko naman sa ‘yo na babawi ako?” Ngumiti si Adam. “Pasensya ka na at ngayon ko lang
nagawa. Kadarating ko lang halos mula sa Singapore. And Dean suggested that-“
Napasinghap si Selena. “Are you saying that Dean made all these?”
“Hindi naman sa gano’n, Selena.” Mabilis na sagot ni Adam. “I really planned to make it up to you this
time. Everything was set. I called the flower shop to make arrangements at the newest resort I bought.
Doon sana kita planong dalhin ngayong gabi. Gusto ko na ikaw ang unang makarating ro’n. But then,
Dean reminded me that you’re allergic to flowers.” Naglihis ng tingin ang binata. “Sinabi niya rin na
hindi ka pwedeng mag-overnight sa resort ngayon dahil may mga nira-rush kang designs para sa mga
bago mong kliyente kaya dito na lang muna kita dinala dahil mas convenient at dahil dito daw mas
malapit sa townhouse mo-“
“How thoughtful of your brother to consider those things. Mabuti pa ang kapatid mo. Kilalang-kilala ako.
But you…” Napahawak si Selena sa kanyang noo. “Just how many times do you have to hurt me,
Adam?”
Lahat ng bagay tungkol kay Adam ay inalam ni Selena mula sa mga pinakapaborito nito hanggang sa
mga pinakaayaw nito. Hindi naman niya hinihingi na kilalanin rin siya nito sa paraang kilala niya ito.
Pero iyong ganito na kahit pa ang date nila ay iba ang nagplano, parang hindi niya na kayang
sikmurain.
At si Dean… bakit ba hindi na nagulat si Selena na ito ang siyang nagsabi kay Adam ng mga dapat
gawin, ng mga bagay na bilang fiancé niya ay dapat alam na nito? At nasasaktan siya para sa kanilang
dalawa. Mula noon hanggang ngayon, lumalabas na parating iniisip ni Dean ang kapakanan niya.
Samantalang si Adam…
“Saan pupunta si Dean? Hahabulin ko siya.” Naghihinanakit na tinalikuran na ni Selena si Adam.
“Tutal, kami pala dapat ang nagdi-date ngayon, since he was the one who set this up for me. God… Ni
hindi ko man lang siya napasalamatan para sa mga ito.”
“I’m really sorry, sweetheart.” Napahinto si Selena sa paghakbang palayo nang mabilis na yakapin siya
ni Adam mula sa likod, isang bagay na ngayon pa lang nito ginawa. “Pangako, simula ngayon
tatandaan ko na ang lahat ng tungkol sa ‘yo. If I have to take notes, I will. Huwag lang ‘yong ganito.
Hindi ako mapakali sa Singapore kakaisip sa mga sinabi mo sa akin bago ako umalis. And then I found
out that you didn’t make it at the fashion show. I was so anxious. Lalo pa at hindi mo na sinasagot ang
mga tawag ko.
“Kung kaya ko lang na i-cancel ‘yong conference at iyong iba pang meetings ko, ginawa ko na. Don’t
leave, please. Ayusin na muna natin ito. Hindi ko alam kung bakit pero natatakot ako ngayon.”
Bahagyang humigpit ang pagkakayakap sa kanya ni Adam. “Natatakot ako ng husto na baka nga
bumitaw ka na. ‘Wag mo na muna akong sukuan, please. Magagawan pa naman natin ‘to ng paraan,
‘di ba?”
Iyon na yata ang pinakamahabang linyang narinig ni Selena mula kay Adam simula pa nang una
niyang makilala ang binata. Inalis niya ang pagkakayakap nito sa kanya para makaharap siya rito.
“Give me one good reason why I should hold on to you, Adam.” I desperately need a reason right now.
Ayusin mo ang sagot, utang na loob. Para masimulan ko na ring ayusin ‘tong gulo na nararamdaman
ko.
“Because… you love me?”
Mariing naipikit ni Selena ang mga mata. “Minsan, subukan mo ring ilagay ‘yong sarili mo sa sitwasyon
ko para maging patas ka naman sa akin kahit paano, Adam. You have this woman that you love so
much for years now but who takes you for granted just as much. And when you were about to let go,
pinigilan ka niya. Nang tanungin mo siya kung bakit, ang simple lang ng naging rason niya. It’s just
because you love her. Bullshit!”
Dumilat si Selena nang marinig ang pagsinghap ni Adam. Sa isang iglap rin ay nahinto sa pagtugtog
ang orchestra na siguro ay dala ng pagtataas niya ng boses. At ng… mga sinabi niya na noon niya rin
lang ginawa. Nakakatawa. Lahat ng first time niya pagdating sa mga negatibong emosyon o bagay, kay
Adam niya lahat naranasan.
“Listen, I like you now, Selena. Na-realized ko ‘yon nitong mga nakaraang araw nang bigla mo na lang
itigil ang communication natin. I missed you. I missed every single thing that you do for me. Kahit ‘yong
good morning texts mo, hinahanap-hanap ko. And that’s… a good start, right? Ngayon lang ako
nagkakaganito kaya-“
“Ibig sabihin, wala ka talaga ni katiting na nararamdaman para sa akin noon pa? Pero hindi ka tumutol
sa kasal. Ano pala ‘yong tawag sa ginawa natin these past years? Laro-laro lang? You’ve really been
pretending in front of everyone all these stupid times?” Hindi makapaniwalang wika ni Selena.
Pakiramdam niya ay puputok na ang dibdib niya nang mga sandaling iyon. “At ako naman itong si
tanga, naniwala na baka nga talagang busy ka lang. Pinaasa mo ako, eh.
“Pinapaasa mo ako sa tuwing humaharap ka sa lahat nang kasama ako, nang hawak ang kamay ko.
Nawawala sa isip kong arranged marriage lang iyon. Iyon pala… Was it really just business all these
time that made you do that, Adam? That made you say yes to the wedding? Dahil ba natatakot kang
gaya ng sinabi ni daddy ay mawawala ang koneksyon ng mga pamilya natin sa oras na tumanggi ka sa
kasal?”
Nang hindi nakasagot ang binata ay nagsimula nang pumatak ang mga luha ni Selena. “Pasensya ka
na. Dapat masaya ako kasi nga ‘you like me now’, ‘di ba? Finally. Maraming salamat, ha?” Hindi niya
na napigilang haluan ng sarkasmo ang boses. “It took you nine years to say you like me. Kaya ngayon,
hindi ko tuloy mapigilan ang mag-alala. Baka abutin uli ako ng siyam na taon bago ko marinig sa mga
labi mong kailangan mo ako. At panibagong siyam na taon uli bago mo sabihing mahal mo na ako.
“Saka ano bang ‘it was a good start’ ang sinasabi mo? Noon pa tayo nagsimula, Adam. Noon pa na
pumayag kang magpakasal sa akin. And we started with lies, with your lies. We started with an act, I
completely realized that now. And I don’t want this to begin and end with an act as well.”
Hinubad ni Selena ang engagement ring nila ni Adam at inilagay sa palad ng binata. Hindi niya alam
kung magagawa siyang pakinggan ng kanyang ama sa oras na umatras siya sa kasal lalo pa at ito ang
siyang orihinal na nagplano ng kasal na iyon kasama ang mag-asawang Trevino. Pero sa ngayon ay
wala na muna siyang pakialam. Hindi niya na kaya.
“Selena-“
Napapagod na itinaas ni Selena ang palad. “Tama na, please.” Nagmamadali na siyang tumakbo
palabas ng restaurant. Pakiramdam niya ay masu-suffocate na siya sa oras na magtagal pa siya roon.
Dahil sinundo lang siya ni Dean at kotse ng binata ang ginamit papunta roon ay kinailangan niya pa
tuloy maghanap ng taxi ngayon. Lalo siyang napaluha sa tumitinding frustration. Nataranta siya nang
marinig ang pagtawag sa pangalan niya ni Adam, palatandaan na hinahabol siya nito. At ayaw niya na
munang makausap ito.
“Where are the freaking cabs when you need them the most?” Basag ang boses na naibulong ni
Selena. Pagkaraan ng ilang sandali ay may humintong pamilyar na itim na kotse sa tapat niya. Kotse
iyon ni Dean.
Bumukas ang bintana sa gawi ng binata. Lumantad sa kanya ang seryosong mukha nito. Hindi niya
alam kung imahinasyon niya lang o bahagya talagang lumamlam ang mga mata nito nang makita siya.
“Hop in.”
Wala ng sali-salita. Agad nang sumakay si Selena sa nakabukas nang pinto sa passenger seat. Mabilis
na pinatakbo iyon ni Dean pagkatapos. Nang para bang makasiguro na malayo-layo na sila mula sa
restaurant ay bigla na lang nitong itinigil ang kotse sa gilid ng kalsada. Mabuti na lang at kakaunti lang
ang nagdaraan roon nang mga sandaling iyon.
Napaharap si Selena kay Dean nang marinig ang pagbuntong-hininga nito. Nahuli niya itong nakatitig
sa kanya. Mayamaya ay kusa na nitong binasag ang katahimikan sa pagitan nila. Marahan itong
ngumiti sa kanya. Bahagya itong lumapit sa kanya at pinahid ang mga luha niya gaya ng dati. “You can
always ask me to distract you, you know.”
Napasigok si Selena. “Distract me.”
Hindi niya na kailangan pang mag-dalawang salita. Agad na siyang hinagkan ni Dean sa mga labi.